Kamara, aapela sa desisyon ng SC sa impeachment case ni VP Duterte

Screenshot from Atty. Princess Abante/Facebook

Maghahain ng motion for reconsideration ang House of Representatives sa desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, nirerespeto ng Kamara ang Korte Suprema pero matapos ang masusing pag-aaral sa kopya ng desisyon nito ay kanilang nakita na ito ay nakabase sa mga findings na mali at salungat sa opisyal na rekord ng Kamara.

Pangunahing binanggit ni Abante na mali ang sinabi ng Korte na walang plenaryong pag-apruba sa Articles of Impeachment bago ito ipinadala sa Senado.

Ayon kay Abante, mali rin ang binanggit ng Kataas-taasang Hukuman na bigo ang Kamara na aksyunan ang tatlong naunang impeachment complaints inihain noong Disyembre 2024 dahil bumoto ang Kamara para i-archive ang mga ito ilang oras bago mag-adjourn ang sesyon.

Para kay Abante, nakakabahala ang maling batayan ng desisyon dahil hindi isinama ang Plenary vote, mali ang pagbasa sa timeline ng mga kilos ng Kamara, at mas pinaniwalaan ang isang news article kaysa sa House Journal at opisyal na report na isinumite nila mismo sa Korte.

Binatikos din ni Abante ang interpretasyon ng Korte Supreme sa due process, na umano’y nagtakda ng bagong rekisito na wala sa Konstitusyon o House Rules.

Facebook Comments