Handang-handa na ang Mababang Kapulungan para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Lunes, July 24.
Ayon kay House Engineering and Physical Facilities Department o EPFD Deputy Secretary General Engr. Floro Banaybanay naplantsa na ang lahat ng internal and outside requirements para sa SONA pati ang banner na ilalagay sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Sabi naman ni EPFD Executive Director Renato dela Torre, sa kabuuan ay 95 percent ng nakumpleto lahat ng physical preparations para sa SONA kasama na dito ang sound system, electrical installation, at internet infrastructure.
100 percent namang matatapos ngayong weekend ang setup at iba pang requirements para sa joint command center ng Radio Television Malacañang (RTVM) at Presidential Security Group (PSG).
Sinabi naman ni House Secretary General Reginald Velasco na bukod dito ay nakapagsagawa na rin ang “walk-through” sa dadaanan ni Pangulong Marcos mula sa rear entrance ng main building ng Batasan Complex hanggang sa podium loob ng Plenary Hall kung saan sya maglalahad ng SONA.
Inaasahang kasama ng pangulo sa pagdating sa Kamara sa Lunes, si First Lady Liza Araneta-Marcos at sasalubungin naman siya nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate President Miguel “Migz” Zubiri at iba pang mga miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan.