Napagkasunduan na ng Kamara at Department of Transportation (DOTr) ang panukalang pilot run ng motorcycle ride-hailing service na Angkas para sa pagbalangkas ng angkop na regulasyon para sa motorcycle taxis.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Mark de Leon, dalawang beses nang nagpulong ang Technical Working Group (TWG) na binuo ng ahensya upang pag-aralan ang mga angkop na regulasyon para sa motorcycle taxis bilang public utility vehicles.
Kasalukuyan din silang nagbabalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) para sa napipintong pilot run ng Angkas.
Ayon kay House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo malaking tulong ang panunumbalik ng operasyon ng Angkas upang muling magkaroon ng hanapbuhay ang nasa 27,000 Angkas-biker partners na nawalan ng kita simula nang magbaba ang Korte Suprema ng TRO noong Disyembre.
Nauna rito, nagpalabas din ng pahayag si Makati City Rep. Luis Campos, Jr. na nagbibigay-diin sa pangangailangan ng Kongreso na magpasa ng bagong batas para mapahintulutan ang mga motorsiklo na gamitin bilang PUVs.