Makakapagproklama ang Kongreso ng bagong pangulo at pangalawang pangulo sa Mayo 27.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, ito ang napagkasunduan ng Kamara at Senado na siyang magsisilbing National Board of Canvassers o NBOC na magbibilang at magpoproklama rin sa mga mananalong presidente at bise presidente.
Kasabay nito ang pagtiyak ni Velasco na magiging mabilis, transparent at mapagkakatiwalaan ang gaganaping canvassing.
Pagsasamahin aniya nila ang kawastuhan at bilis ng proseso upang masunod nila ang timeline para tapusin ang pagbibilang ng boto.
Pagtitiyak pa ni Velasco, kahit may nakabinbin na disqualification case si dating Senador Ferdinan “Bongbong” Marcos Jr., sa Korte Suprema ay tuloy pa rin ang canvassing.
Pagbibigay-diin ng speaker, ang kanilang tungkulin ay nakapaloob sa mandato ng Konstitusyon at walang nakasaad dito na sususpindihin ang kanilang katungkulang mag-canvass ng boto dahil sa nakabiting kaso.
Sa Martes, Mayo 24 ay sisimulan na ng Kongreso ang canvassing ng boto para sa mga kandidato sa presidente at bise presidente.