Hinihimok ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers ang mga mambabatas sa Senado at Kamara na magkaroon ng iisang boses para sa isyu ng West Philippine Sea.
Hiniling ni Barbers sa mga kongresista at senador na magkaisa at magkasa ng isang “joint resolution” para sa pagpapahayag ng iisang posisyon laban sa panghihimasok at pag-okupa ng China sa teritoryo ng bansa.
Ayon kay Barbers, ang naturang joint resolution ay gagawin hindi para magdeklara ng giyera o kung anuman kundi pagpapahayag ng “united voice” o iisang posisyon hinggil sa pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo at presensya ng kanilang pwersa sa West Philippine Sea gaya sa Julian Felipe reef.
Naniniwala rin si Barbers na ang joint resolution ay magsisilbing matibay na boses na maririnig ng international community na maaaring magpalambot sa China.
Sa ngayon ay wala pang joint resolution ang Kamara at Senado, pero umaasa siyang makokonsidera ito dahil may halaga ang iisang boses ng dalawang kapulungan.