Kamara at Senado, pinagko-convene bilang constituent assembly para sa isinusulong na cha-cha

Manila, Philippines – Inihain muli sa Kamara ni Cagayan de Oro Representatives Rufus Rodriguez ang House Concurrent Resolution no. 1 na layong amyendahan ang ilang probisyon ng 1987 Constitution.

Pinagko-convene dito ang dalawang kapulungan ng Kongreso bilang constituent assembly kung saan magsasagawa ng hiwalay na boto ang Kamara at Senado at kinakailangan ng 3/4 na boto sa mga miyembro.

Pinagbasehan ni Rodriguez ang bersyon ng Consultative Committee na pinamumunuan ni dating Chief Justice Reynato Puno at dating Senate President Aqulino Pimentel Jr., sa paghahain ng cha-cha.


Pangunahing probisyon ng federalism ay ang pagbuo ng 18 federated regions na may otonomiya para malayang kontrolin at gamitin ang sariling revenue o kita ng rehiyon gayundin ang pagkakaroon ng presidential bicameral-federal na sistema ng gobyerno.

Partikular na inaamyendahan sa panukala ang probisyon sa Article XII o ang National Patrimony and Economy sa pamamagitan ng pagsisingit ng salitang “unless otherwise provided by law” na layong luwagan ang restrictions sa foreign ownership na layong makahikayat ng foreign direct investment.

Samantala, magkakaroon naman ng 27 senador na ihahalal ng taumbayan na hahatiin sa tig-tatlo sa bawat rehiyon ang National Capital Region, Northern Luzon, Southern Luzon, Bicol Region, Eastern Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, Southern Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region.

Magsisilbi ang mga senador ng tatlong termino na may tig-apat na taon gayundin ang mga kongresista at opisyal ng lokal na pamahalaan.

Bagamat nakalusot sa Kamara noong 17th Congress, inupuan lamang ito ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Facebook Comments