Target ng Kamara na makalikom ng P3 hanggang P5 milyong piso na donasyon para sa mga biktima ng lindol sa Batanes.
Ito ay kasunod ng pagkakaisa ng mga kongresista na magbigay ng donasyon para sa mga biktima ng lindol na magmumula naman sa bahagi ng kanilang sahod.
Nag-manifest si House Deputy Majority Leader Christopher De Venecia tungkol dito at sinimulan na ang pagpapaikot sa plenaryo ng signature sheet kung saan isusulat ng mga mambabatas ang halaga ng donasyon o boluntaryong kontribusyon para sa relief operations.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, nakausap niya si Speaker Alan Peter Cayetano hinggil sa fund drive at ipinaliwanag na nakagawian na sa Kamara ang pagbabahagi sa mga nasugatan, nawalan ng tirahan at mga naulilang residente sa pamamagitan ng salary deduction sa tuwing may tumatamang kalamidad.
Bukod sa donasyon mula sa mga kongresista, hiniling din ni Romualdez sa Legislative Security Bureau ang paglalaan ng espasyo sa North at South Wing Lobby ng Kamara na magsilbing bagsakan ng mga donasyon, pera man o relief packs na ipaparating ng mga concerned agencies.
Para naman sa mga interesadong magbigay ng donasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Chief of Staff ni Batanes Rep. Ciriaco Gato na si Attorney Rachel Derigay sa contact number na 09985548060.