Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 1390 para sa pagbuo ng Ad Hoc Committee na magsagawa ng pag-aaral kaugnay sa planong relokasyon o pagtatayo ng gusali ng House of Representatives.
Ang Ad Hoc Committee ay pamumunuan ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte bilang chairperson, habang vice chairperson naman sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Quezon Rep. David Suarez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Kabilang naman sa mga miyembro nito sina Reps. Mercedes Alvarez, Roberto Puno, Johnny Pimentel, Jose Aquino, Eleandro Jesus Mandrona, Angelica Natsaha Co, Brian Yamsuan, Toby Tiangco at Jurdin Jesus Romualdo.
Iginiit ng mga naghain ng resolusyon na sina Representatives Villafuerte, Gonzalez at Suarez, makabubuting mailipat ang gusali ng Kamara sa Bonifacio Global City kung saan din itinatayo ang gusali ng Senado.
Ayon sa tatlong mambatas, layunin nito na magkaroon ng mas maayos na komunikasyon at koordinasyon pagdating sa lehislasyon ang Mataas at Mababang Kapulungan.