Nakahanda ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sakaling kailanganin ng Department of Health (DOH), Department of Finance (DOF) at Department of Education (DepEd) ng supplemental budget para sa pagbabakuna sa mga teenager na nasa high school gayundin ang mga out-of-school youths.
Sinabi ito ni Misamis Oriental Rep. Juliette Uy, vice chairman ng House Committee on Appropriations kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa muling pagbubukas ng klase sa September 13.
Ayon kay Uy, maganda ang resulta ng vaccination program sa pagpapababa ng COVID cases.
Bagama’t walang sapat na pondo para sa pagbabakuna ng mga kabataang edad 18 pababa ay maaari naman aniyang magawan ng paraan ng Kamara na mapondohan ito.
Nababahala rin ang kongresista na posibleng mahuli naman ang vaccination sa mga kabataan kung hihintayin pa ang 2022 budget.
Kung magagawan aniya ng paraan na mapondohan ang bakuna para sa lahat ng teenagers ay uubrang mabakunahan sila sa huling bahagi ng taon o mula Oktubre hanggang Disyembre.
Tinukoy ng kongresista na maaaring paghugutan ng pondo para sa bakuna ng mga kabataan ang hindi nagamit na budget sa Bayanihan 2 na ibinalik sa National Treasury.