Bumuo na si Speaker Alan Peter Cayetano sa Kamara ng isang komite para labanan ang ‘red tape’ sa gobyerno.
Ang 5-man Special Committee on Red Tape ay pamumunuan ni Majority Leader Martin Romualdez at mga miyembro naman sina House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, House Committee on Economic Affairs Chair Sharon Garin, House Committee on Public Accounts Chair Mike Defensor at House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Jonathan Alvarado.
Ayon sa source, binuo ang komite para magsagawa ng pag-aaral at maghain ng panukala upang wakasan ang red tape sa pamahalaan.
Dagdag pa ng source na posibleng unang magiging resource person ng special committee si Pangulong Rodrigo Duterte bilang ito ay nagpahayag naman ng kahandaang humarap sa pagdinig kung siya ay ipatatawag.
Matatandaang nakipagpulong sa Pangulo tungkol sa pagpuksa sa red tape sina Cayetano, Romualdez at Senate President Tito Sotto III.
Sinabi naman ni Cayetano na patuloy na makikipag-ugnayan ang Kamara sa Senado at Ehekutibo upang patuldukan na ang red tape bago pa matapos ang termino ng Pangulo sa 2022.