Kamara, bumuo ng isang TWG para sa panukalang VAT refund sa mga dayuhang turista

Bumuo ng isang Technical Working Group ang House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda para plantsahin ang panukalang Value-Added Tax o VAT Refund Program para sa mga dayuhang turista.

Ginawa ito ng komite makaraang aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council Tourism Sector Group na pagpapatupad sa nasabing programa pagsapit ng 2024.

Sa ilalim nito ay ire-refund o ibabalik ang VAT na binayaran ng foreign tourist sa kanilang mga pinamili sa bansa, bago sila bumalik sa kanilang home country.


Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, tanging ang Pilipinas, India at Vietnam na lamang sa 15 tourist destination sa Asia Pacific ang walang ipinatutupad na VAT return mechanism.

Sa pagtaya ni Salceda, sa implementasyon ng programa ay nasa mahigit P7 bilyon ang mawawala sa koleksyon ng ating gobyerno.

Pero diin ni Salceda, mababawi ito agad dahil tataas naman sa 29.8% o P75.58 billion ang taunang gastos sa pamimili sa bansa ng mga dayuhang turista.

Facebook Comments