Pinulong ni House Speaker Martin Romualdez ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) kung saan tinalakay ang hakbang na sasawata sa mga krimen sa bansa.
Hakbang ito ni Romualdez, matapos ang magkakasunod na insidente ng pamamaril at pananambang sa mga lokal na opisyal.
Kasama sa pulong sina Interior Sec. Benhur Abalos, PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., Chief of Directorate for Investigation and Detective Management Maj. Gen. Eliseo Cruz, National Capital Regionl Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, at Deputy Chief for Operations Maj. Gen. Jonnel Estomo.
Sa pulong ay Siniguro ni Romualdez sa DILG at PNP na nakasuporta ang buong liderato ng Kamara upang mapalakas pa ang kampanya kontra krimen ng pamahalaan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na pondo para sa resources ng pambansang pulisya at pagbuo ng panukala kung kakailanganin.
Iginiit naman ni Romualdez sa PNP na huwag maging pabaya, pag-ibayuhin ang crackdown laban sa mga illegal firearms, dagdagan ang police visibility sa buong bansa, pahusayin ang intelligence-gathering capability at ang pagsasanay ng mga awtoridad.