Suportado ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang plano ng Kamara na maging bahagi ng kampanya laban sa agriculture smuggling.
Mensahe ito ni Lee makaraang ihayag ni House Ways and Means Committee Chairperson at Albay Representative Joey Salceda na sa pamamagitan ng isang independent panel ay kikilos na rin ang Kongreso para labanan ang agri-smugglers, na siyang dahilan sa pagbagsak ng local farm industries at manipulasyon ng presyo sa mga pamilihan.
Diin ni Lee, panahon na para gamitin ng Kongreso ang legislation and oversight powers nito bilang tulong sa ating mga kababayan na nagdurusa dahil sa pambibiktima ng mga agricultural smuggler.
Ayon kay Lee, mas mainam kung ang lahat ng sektor sa gobyerno ay makikiisa na sugpuin ang nasabing karumal-dumal na gawain.
Iginiit din ni Lee ang pangangailangan na palakasin at bigyan ng sapat na kapangyarihan ang mga ahensiya ng gobyerno na naatasang supilin ang agricultural smuggling sa bansa upang magampanang mabuti ang kanilang tungkulin.
Inihalimbawa ni Lee sa mga dapat bigyan ng sapat na pondo at ngipin ang mga opisinang gaya ng Office of the Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement sa ilalim ng National Food Safety and Food Security Agency.
Dagdag pa ni Lee, kailangan ding imbestigahan at mapanagot ang mga nasa pamahalaan na may mga link o kaugnayan sa agri-smuggling.