Kamara, doble na ang paghihigpit sa pagsisimula ng canvassing

Doble na ang ipinapatupad na paghihigpit ng Kamara isang araw bago ang pagsisimula ng canvassing para sa mga kandidato sa pangulo at pangalawang pangulo.

Kaninang alas-5:00 ng umaga ay naihatid na ng Senado sa Kamara ang mga balota na naglalaman ng Election Returns o ERs at Certificate of Canvass o COCs.

Sa ngayon ay nakaayos na ang mga balota sa plenaryo ng Kamara at mahigpit na binabantayan doon hanggang sa pagsisimula ng pagbibilang ng boto bukas.


Maging ang pagpapasok ng mga tao sa loob ng Batasan Complex ay napakahigpit na rin kung saan hindi basta-basta makakapasok kung walang inisyung ID para sa canvassing at carpass.

Tiniyak din ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols kung saan bago makapasok ay kailangang makapagpakita ng negatibong resulta ng antigen test.

Kinakailangan din na mag-apply sa kanilang house pass kung saan doon na rin sasagutan ang health declaration form.

Limitado lamang sa isang reporter kada station o network ang access sa plenaryo at mayroon lamang inilaan na hiwalay na pwesto o holding area para sa mga taga media.

Bukas ay mag-co-convene muna sa isang joint session ang Senado at Kamara na magsisilbing National Board of Canvassers o NBOC-Congress na magka-canvass at magpoproklama sa mga nanalong presidente at bise presidente ngayong halalan.

Facebook Comments