Nakahanda na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na sumalang sa bicameral conference committee para sa panukalang P4.506-trillion 2021 national budget.
Sinabi ito ni Speaker Lord Allan Velasco kasunod nang pag-apruba ng Senado sa bersyon nito ng General Appropriations Bill (GAB).
Una nang bumuo ang Kamara ng 21-member contingent para sa bicam sa pangunguna ni House Appropriations Committee Chairman Eric Yap.
Sinabi ni Velasco, titiyakin ng mga kinatawan ng house contingent na sapat ang pondo ng gobyerno para sa COVID-19 response, partikular sa pagbili ng bakuna.
Tinitiyak din ang paglalaan ng pondo sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng nagdaang mga bagyo.
Umaasa naman si Velasco na agad mapapagtibay sa bicam ang 2021 General Appropriations Act at malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang taon upang maiwasan ang pagkakaroon ng reenacted budget.