Tiniyak ni House Committee on Appropriations at AKO BICOL Party-list Representative Elizaldy Co na handang-handa na ang Kamara na tanggapin ang 2025 National Expenditure Program (NEP) na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Nangako si Co na magsasagawa ang Appropriations Committee ng komprehensibong mga pagdinig, kasama ang iba’t ibang stakeholders, mga ahensya ng gobyerno at mga eksperto upang tiyakin ang transparency, accountability, at epektibong paggamit ng pondo.
Binigyang diin ni Co na pangunahing layunin ng Mababang Kapulungan na makapagpasa ng national budget na tunay na makapaglilingkod at tutugon sa pangangailangan ng mamamayan at magpapaunlad sa ating bansa.
Ayon kay Co, sisiguraduhin ng Kamara na ang 2025 national budget ay magiging daan para magtuloy-tuloy ang Legacy Projects ni Pangulong Marcos, na kinabibilangan ng Legacy Specialty Hospitals, Legacy on Food Security at Legacy Housing for the poor.
Ginarantiyahan din ni Co na lalaanan nila ng sapat na pondo ang mahalagang mga sektor tulad ng edukasyon, healthcare, infrastructure, at social services upang mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.