Manila, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ipo-proseso ang impeachment complaint na ihahain laban kay Comelec Chairman Andres Bautista kaugnay sa ibinulgar na iligal na yaman nito.
Sakaling maghain aniya ang maybahay in Bautista ay walang magagawa ang Kamara kundi gawin ang kanilang mandato na idaan ito sa proseso.
Giit ni Alvarez, hindi ito maaaring balewalain ng Mababang Kapulungan dahil bahagi ng kanilang trabaho ang dinggin ang impeachment complaint.
Siniguro din ni Alvarez na aaksyunan din ang resolusyon na inihain ni Kabayan Rep. Harry Roque na nagpapaimbestiga sa halos isang bilyong halaga ng ill-gotten wealth ng Comelec Chairman kasunod na rin ng pagsisiwalat ng maybahay nito.
Nanawagan naman si Gabriela Rep. Arlene Brosas na huwag isantabi ang isyu kay Bautista at ilusot na usapin lamang ito ng marital problem ng opisyal.
Iginiit nito na may obligasyon si Bautista na ipaliwanag sa publiko ang buong katotohanan sa mga alegasyon laban dito dahil hindi lamang ang personal na integridad nito ang nakasalalay kundi damay pati ang buong COMELEC.