Kamara, handang magdagdag ng pondo para sa testing, tracing at surge capacity ng mga ospital

Nakahanda ang Kamara na magbigay otorisasyon para sa dagdag na pondo upang mapabilis ang testing, tracing, at paghahanda sa surge capacity ng mga pagamutan.

Ito ang tiniyak ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa mga miyembro ng gabinete bilang tugon sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Sinabi ni Salceda na siya ring head ng economic stimulus cluster, patuloy na pinag-aaralan ng kanyang tanggapan ang pondong gugugulin para sa testing at tracing data gayundin ang monitoring ng pagtaas sa bilang ng COVID-19 cases.


Kasama rin sa sinusuri ng mambabatas ang pagpapalawig sa capacity ng mga treatment centers para sa COVID-19.

Sa katunayan ay nakahanda ang Mababang Kapulungan na tumanggap ng mga proposals mula sa Ehekutibo para maitaas ang daily testing rates ng bansa na nasa 10% positive rate.

Inirekomenda rin ng mambabatas kay Testing, Tracing, and Treatment Chief Secretary Vince Dizon na magbukas agad ng mass testing sites sa National Capital Region (NCR), CALABARZON, Central Luzon, Metro Cebu, at Metro Davao.

Dagdag pa ni Salceda, ang paghahanda sa mga ospital at treatment centers sakaling tumaas pa ang COVID-19 cases ay susi rin para sa pagpapanatili ng kumpyansa mula sa mga consumers at mga negosyo.

Facebook Comments