Nakahanda ang Kamara na magsagawa ng special session sa kabila ng kanilang bakasyon upang tugunan ang mga problemang kinakaharap ng bansa sa COVID-19.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, magtatrabaho ang Kamara sa susunod na limang linggo sa kabila ng kanilang nakatakdang Holy Week break.
Tiniyak na umano sa kanya ni Majority Leader Martin Romualdez na kikilos pa rin ang mga komite at kung kakailanganin ay magsasagawa ng special session para sa prevention ng COVID-19 at pagtugon sa health concerns ng mga nagkasakit at posibleng mahawa pa ng virus.
Isa rin sa mga dapat tutukan ng Kamara ang kabuhayan, turismo at ekonomiya na higit na maaapektuhan dahil sa COVID-19.
Kanina namang umaga ay inaprubahan ng Appropriations Committee ang substitute bill para sa P1.6 Billion supplemental budget sa corona virus.