
Tiniyak ni House Secretary General Reginald Velasco na handa ang Kamara na pagbigyan sakaling hilingin ni Davao City Rep. Paolo Duterte na palawigin ang kanyang “travel authority/clearance.”
Paliwanag ni Velasco, sa ngayon ay wala silang update kung nasaan na si Cong. Pulong pero karapatan nito kung nais nitong manatili pa sa The Netherlands o sa ibang bansa lalo’t sa June 2 pa magsisimula ang session ng Kongreso.
Unang inaprubahan ng Kamara ang request na travel clearance ni Rep. Duterte para sa kanyang biyahe sa The Netherlands at Japan, mula March 15 hanggang April 15, 2025.
Kasunod ito ng pag-aresto sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nasa The Hague para sa paglilitis ng International Criminal Court o ICC.
Ayon kay Velasco, walang paghihigpit sa biyahe ni Rep. Duterte lalo’t personal na gastos niya ito.