Nakahanda ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na suportahan ang alokasyon para sa rehabilitasyon ng mga lugar sa Hilagang Luzon na niyanig ng magnitude 7.3 na lindol.
Si Speaker Martin Romualdez ay kabilang sa mga kasama ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na bumisita sa mga biktima at sa mga komunidad na sinira ng lindol sa probinsya ng Abra.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na susuportahan ng Kamara ang rehabilitation at restoration ng mga nasirang pampublikong imprastraktura sa probinsya na unang iminungkahi ni Senator Imee Marcos.
Kabilang sa popondohan sa ilalim ng national budget ang mga nasirang lansangan, tulay, simbahan, residential buildings, mga paaralan at mga ospital.
Maliban sa mga nasirang imprastraktura, kinakatigan din ng Kamara ang panawagan ng senadora na suportahan ang pagpopondo para sa pagsasaayos ng mga heritage at cultural sites na sinira ng lindol.
Umapela naman si Romualdez sa mga kasamahang kongresista na kabilang sa mga apektadong probinsya na gumawa ng sariling ‘damage assessment’ bilang paghahanda sa susunod na budget hearings.
Ipinaabot naman ni speaker ang kanyang personal na tulong para sa mga biktima ng lindol kina Abra Rep. Menchie Bernos at La Paz Mayor JB Bernos.