Hinamon ngayon mga lider ng House of Representatives ang Senado na magtrabaho at ipasa na ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 kung nais nilang mamatay na ang inaayawan nilang People’s Initiative para maamyendahan ang konstitusyon.
Giit ni House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, mainam na tuparin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kanyang self-imposed deadline na ipapasa ang panukalang magsusulong ng economic amendments sa ating Saligang Batas.
Sinabi naman ni House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na ngayong inihinto na ng Commission on Elections ang pagtanggap ng mga pirma para sa PI ay dapat aprubahan na ng Senado ang RBH 6.
Para naman kay Bataan Rep. Geraldine Roman, panahon na para gawin ng Senado ang mga sinasabi nito.
Nagtataka rin si Roman kung bakit nagbago ang isip ng mga dating kongresista sa usapin ng pag-amyenda sa Konstitusyon ng maging senador ang mga ito.