Tuloy pa rin ang trabaho ng mga empleyado sa Kamara sa kabila pa rin ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, hindi na kailangan magpatupad ng lockdown sa Batasan Complex dahil mahigpit ng ipinatutupad naman ang health safety measures sa Mababang Kapulungan.
Bahagi nito ang ibinabang polisiya noong Enero na kailangan sumailalim sa antigen testing ang lahat ng papasok sa Batasang Pambansa.
Kapag nagpositibo sa antigen test ay otomatikong hindi muna papapasukin ang empleyado.
Bukod dito, 30% na workforce lamang ng Kamara ang pinapapasok ng pisikal bilang pagtalima sa atas ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Mahigpit na ring ipatutupad ang online o Zoom hearings sa lahat ng Committee hearings at nilimitahan na lamang hanggang alas-6:00 ng gabi ang sesyon at pasok ng mga empleyado.
Sa kasalukuyan ay mayroong 29 na aktibong kaso ng COVID-19 sa Kamara hiwalay pa ito sa dalawang kongresista na sina Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na positibo rin sa sakit.