Hindi na binago ng small committee sa Kamara ang nakapaloob na ‘institutional amendments’ sa ₱4.5 trillion 2021 General Appropriations Bill (GAB) matapos itong maisumite sa Senado ngayong araw.
Ayon kay Appropriations Vice Chairman Joey Salceda, wala na silang iniba sa ipinasok na ₱20 billion institutional amendments sa 2021 national budget dahil wala nang ginawang pulong ang small committee matapos na katigan ang mga amyenda.
Sinabi naman ni Salceda na ang pambansang pondo sa susunod na taon ang pinakamahalagang naipasang economic stimulus measure ng Kongreso na makakatulong sa muling pagbangon ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa aniya ng small committee ang lahat ng makakaya para matiyak na ang national budget ay walang nilalabag sa Konstitusyon at sa batas.
Ipinagmalaki rin ni Salceda ang mga nakapaloob sa budget kung saan ginawa nilang triple ang pondo para sa COVID-19 vaccine sa ₱8 billion.
Naglaan din ng dagdag na pondo para sa ayuda sa mga displaced workers, pagpapalakas ng internet connection sa lahat ng mga pampublikong paaralan at pagkakaroon ng ikatlong bugso ng financial assistance o SAP 3 para sa mga pamilyang apektado ng pandemya.
Sa ngayon aniya, habang hinihintay ang bersyon ng Senado sa pambansang budget ay pag-aaralan naman ng Kamara ang pagbibigay ng typhoon relief para sa mga biktima ng Bagyong Quinta.