Kamara, hindi napilitan na ibalik ang pondo ng CHR; Pondo ng ahensya, posibleng dagdagan pa sa 2019

Manila, Philippines – Nilinaw ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na hindi nadala sa pressure ang Kamara kaya ibinalik ng buo ang mga budget sa 2018 ng CHR, ERC at NCIP.

Paliwanag ni Nograles si CHR Chairman Chito Gascon ang lumapit para ihabol sa komite ang restoration ng budget ng ahensya.

Ayon kay Nograles, nangako si Gascon na lalawakan ang trabaho at iimbestigahan na rin ang ibang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao tulad ng mga biktima ng rape, pang-aabuso at krimen na kagagawan ng mga non-state actors.


Kahapon ang pinakahuling araw para sa pagpapasok ng mga amendments sa 2018 budget ng binuong small committee bago ito aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na Linggo.

Panghahawakan ni Nograles ang commitment sa kanila ng CHR at kung maganda ang resulta ay posibleng taasan ng gobyerno ang pondo ng ahensya sa 2019.

Sa 2018 ay natapyasan sa 508M ang pondo kumpara sa inilaan na budget ng DBM sa CHR na 623M dahil ibinawas pa dito ang traveling, representation at subscription expenses pero hindi naman maaapektuhan ang trabaho ng CHR.

Samantala, kahapon din ay humabol ang ERC at NCIP kaakibat ng commitment na reresolbahin ang mga isyu at tutuparin ang kanilang mandato.

Facebook Comments