Nanawagan si Speaker Lord Allan Velasco sa mga Pilipinong hindi pa nababakunahan ng COVID-19 vaccine na magpabakuna na sa isasagawang 3-day National Vaccination Day.
Simula ngayong araw, November 29 hanggang December 1 ay target na mabakunahan ang nasa siyam na milyong mga vaccine-eligible Filipinos sa ilalim ng “Bayanihan Bakunahan” program ng pamahalaan.
Hinihimok ng speaker ang mga Pilipinong hanggang ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng unang dose ng bakuna na magpaturok na upang maiwasan ang panibagong pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa sunod-sunod na mga pagtitipon sa holiday season.
Umaapela rin ang kongresista na samantalahin ang pagkakataon upang may dagdag na proteksyon laban sa posibleng epekto ng bagong variant ng virus na Omicron.
Dagdag pa ng Marinduque representative na nakasalalay sa pagpapabakuna ng maraming Pilipino ang pag-iwas sa holiday spike ng COVID-19 infections at pagkamatay dahil sa sakit.