Iminungkahi ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun sa House Committee on Justice at sa Committee on Public Order and Safety na magsagawa ng ‘motu proprio’ investigation kaugnay sa mga kasong kinakaharap ng ilang mga miyembro ng pambansang pulisya.
Ang panawagan ng kongresista ay kaugnay pa rin sa ginawang pagpatay ng police officer na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa kapitbahay nitong mag-inang Gregorio sa Tarlac.
Ayon kay Fortun, miyembro ng Committee on Justice, tinitiyak niyang hindi kukunsintihin ng Kamara ang mga ganitong uri ng karumal-dumal na krimen na kagagawan ng mga pulis.
Dahil dito, hinihikayat ngayon ng kongresista ang mga kaukulang komite sa Kamara para magsagawa ng “motu proprio investigation in aid of legislation” partikular ang pagbusisi sa mga criminal at administrative na reklamo sa mga pulis sa nakalipas na sampung taon.
Ikinaalarma ni Fortun na karamihan pa sa mga kasong isinampa laban sa mga pulis ay dismissed dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Ipinasasama naman sa mga dapat masilip ng mga komite ang pagrereview sa pagpili ng personnel, screening, disciplinary process gayundin ang financial transaction ng National Police Commission, PNP Academy, Philippine Public Safety College, mga PNP directorates, provincial offices, at police districts.
Ipinunto pa ni Fortun na mahalagang magkaroon na dapat ng third-party na magsasagawa ng review sa police recruitment at selection processes lalong lalo na sa paghihigpit sa psychiatric evaluation ng bawat aplikante at mga opisyal na nais ma-promote.