Manila, Philippines – Wala pa ring maipakitang rules ang Mababang Kapulungan kaugnay sa gagawing special session para bukas.
Ayon kay Majority Leader Rodolfo Fariñas, hinihintay pa nila ang kanilang counterpart sa Senado para katigan ang rules na inaprubahan kahapon sa pulong.
Paliwanag ni Fariñas, kasalukuyang inaaral na rin ng Committee on Rules ng Kamara ang mga magiging panuntunan para sa pagtalakay sa pagpapalawig sa batas militar.
Isinumite na rin niya ang kopya ng rules kay Senate President Koko Pimentel at Senate Majority Leader Tito Sotto para aralin ito.
Sa mismong araw ng special session ilalatag ang final rules bago simulan ang debate para sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.
Magiging mahigpit naman ang dalawang Kapulungan ng Kongreso sa botohan kung saan joint vote ang gagawin salig na rin sa Konstitusyon.
Hindi pwedeng hiwalay na botohan ang gagawin dahil maidedeklara itong unconstitutional ng Supreme Court.