Kamara, hinimok ang mga magulang na ihabol sa enrollment ang kanilang mga anak

Hinihikayat ni Committee on Basic Education and Culture Chairman at Pasig Representative Roman Romulo ang mga magulang na ihabol na i-enroll ang mga anak ngayong iniurong na ang pasukan sa October 5, 2020.

Umaasa si Romulo na ngayong ipinagpaliban na muna ang klase ay maraming mga mag-aaral ang hahabol sa enrollment.

Pagkakataon din aniya ito sa mga magulang na samantalahin ang anim na linggo bago ang simula ng klase na ipalista na sa mga paaralan ang mga anak.


Nanawagan din si Romulo sa mga eskwelahan na humanap ng paraan upang i-accommodate ang lahat ng late enrollees nang sa gayon ay mabawasan ang bilang ng mga kabataan na mapapag-iwanan ngayong School Year.

Umaasa ang mambabatas na gagamitin ng Department of Education (DepEd) ang panahon para ihanda at husayan ang bagong sistema ng edukasyon sa ilalim ng blended learning.

Dagdag pa ng kongresista, makakatulong din sa gobyerno ang revised school calendar para mapababa o ma-flatten ang curve ng sakit na COVID-19.

Bago pa man ianunsyo na ipinagpaliban ang pagbubukas ng klase ay umabot na sa apat na milyon na estudyante ang hindi nakapag-enroll kung saan 2.75 milyon dito ay mula sa pribadong paaralan habang 1.25 milyon ay mula sa public schools.

Facebook Comments