Manila, Philippines – Sumaklolo na ang Kamara sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para maibigay sa house committee on rules ang mga mahahalagang transaksyon ng C.T. Leoncio Construction and Trading Company na nakakuha ng humigit kumulang 40 malalaking government projects sa 2019.
Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., hihingi na sila ng tulong sa amlc para masuri ang lahat ng mga bank transactions ng C.T. Leoncio at ng sub-contractor nito na aremar construction na napag-alamang pag-aari ng mga in-laws ni Budget Sec. Benjamin Diokno.
Ibinunyag ni Andaya sa imbestigasyon ng House Committee on Rules na ang CT Leoncio lamang ang sumasali sa bidding at sa oras na ma-i-award na ang proyekto ay saka ito ipapasa sa aremar.
Lumabas pa sa pagdinig na mayroong limang proyekto na nakuha ang C.T. Leoncio na sabay-sabay na ginagawa pero iisa Lang ang engineer, iisa ang foreman at mayroon pang iisa lang na backhoe ang gamit para sa limang sabay-sabay na proyekto sa Bicol.