Kamara, ihahain ang ‘corrected version’ para sa na-veto na Bulacan Ecozone and Freeport Act

Tiniyak ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na iwawasto ng Kamara ang mga nakitang mali at butas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa na-veto na panukala na Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act.

Si Salceda ay naunang nangako na ihahain ang “corrected version” ng panukala ngayong 19th Congress kung saan ikokonsidera ang mga fiscal at economic concern ng presidente na siyang naging dahilan sa pag-veto nito sa panukalang batas.

Oobligahin aniya ang Kamara na magkaroon ng “cost-and-benefit analysis” nang sa gayon ay matimbang ang gagastusin at magiging benepisyo rito ng pamahalaan.


Bagama’t hindi kasama si Salceda sa ‘original proponents’ ng panukala, naniniwala naman ang kongresista na valid ang mga napuna ni Pangulong Bongbong Marcos sa panukala na kailangang sundin.

Kabilang sa mga isusulong ng kongresista ang pagsasailalim sa ecozone sa rules, procedures at regulations ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, pagbibigay kapangyarihan sa Fiscal Incentives Review Board na maggawad ng insentibo at pag-aalis ng labis na kapangyarihan mula sa kontrol ng ecozone authority.

Ipasasailalim din ang ecozone authority sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) at sa regulasyon salig sa GOCC Governance Act, dagdag pa rito ang paglilimita sa kapangyarihan na makapag-acquire ng pribadong lupain sa loob o katabi man ng Bulacan Ecozone.

Facebook Comments