Hihilingin na rin ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento sa Inter-Agency Task Force (IATF) na maitaas na rin ang passenger capacity sa aviation at maritime sector.
Kasabay ng planong ito ang pagtaas simula ngayong araw sa 70% ng seating capacity sa pampublikong transportasyon kasama na rito ang MRT, LRT at PNR.
Ayon kay Sarmiento, matagal na niyang ipinapanawagan at suportado ng kanilang komite ang pagtataas sa passenger capacity sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) upang mabuksan na rin ang ekonomiya.
Ngayong itinaas ang seating capacity sa mga PUVs ay hindi na mahihirapan ang mga pasahero sa pagko-commute at madadagdagan din ang kita ng mga tsuper at operators.
Sa ngayon aniya ay kasalukuyan na silang bumabalangkas ng isang official communication sa IATF upang hilingin sa task force na itaas na rin ang kapasidad sa mga eroplano at barko kasabay ng pagluwag na rin ng lockdown restrictions.