Ikinagulat at ikinadismaya ng Kamara ang huling pahayag ng Senado na aabutin hanggang Oktubre ang kanilang pagtalakay sa Resolution of both Houses No. 6 para sa layuning maamyendahan ang konstitusyon.
Diin nina Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman at House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, malinaw ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa kanyang presscon nitong January 15 na tatapusin nila ang pagtalakay sa RBH 6 bago ang Holy Week.
Ayon kay Congresswoman Roman, kung sa Oktubre pa tatalakayin ang RBH 6 ay para na ring pinatay ng Senado ang target na pagreporma sa Saligang Batas.
Sabi naman ni Congressman Dalipe, pinanghawakan nila ang pahayag ni SP Zubiri kaakibat ang apela na sana ay bilisan ng Senado ang kilos dahil kailangang maayemdahan ang economic provisions sa constitution para makasabay ang Pilipinas sa pag-unlad ng mga karatig nating bansa.