Manila, Philippines – Inaaral na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang paghahain ng kaso laban kay dating Senador Bongbong Marcos.
Ito ay dahil pinayuhan nito ang kapatid na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos na huwag dumalo sa pagdinig ng Kamara sa July 25 kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng 66.4 million pesos na tobacco funds.
Ayon kay Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel, Chairman ng nasabing komite, malakas ang kanilang ebidensya dahil bukod sa lumabas na ito sa social media at iba’t-ibang news organizations, mismong sa gobernadora na nagmula ang impormasyon na pinayuhan siya ng kapatid.
Giit ni Pimentel, kahalintulad ito ng nangyari noon kay Ronnie Dayan kung saan pinayuhan siya ni Senadora Leila De Lima na huwag dumalo sa hearing ng Committee on Justice ng Kamara.
Dahil dito ay kinasuhan ng Department of Justice si De Lima ng disobedience to summons sa Korte batay na rin sa utos ng lider ng Kamara na posibleng mangyari kay Bongbong Marcos.
Muli namang umapela si Pimentel kay Imee Marcos na dumalo na sa pagdinig at ilahad ang katotohanan upang patunayan ang pagiging inosente nito.