Hiniling ni Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo sa Commission on Elections (COMELEC) na ikonsidera ang pagpapaliban muna sa halalan sa 2022.
Sa pagdinig ng COMELEC budget para sa 2021, iginiit ni Arroyo na tiyak na magkakaroon ng kontaminasyon ng COVID-19 sa araw na isasagawa ang eleksyon.
Bukod dito, binigyang diin pa ng kongresista na kahit anong gawing paghahanda ng COMELEC ay tiyak na marami ang hindi magpaparehistro sa halalan at marami ang hindi boboto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa takot na magkasakit ng COVID-19.
Pero sinabi naman ni COMELEC Chairman Sheriff Abas na hindi nila maaaring ipagpaliban ang halalan dahil nasa constitutional mandate nila na isagawa ang eleksyon.
Inirekomenda naman ni Arroyo kay Abas na sila mismo sa COMELEC ang magtulak sa pagpapaliban ng halalan dahil kung silang mga mambabatas ay posibleng hindi ito tanggapin ng taumbayan at isipin na nais lamang nilang i-extend ang kanilang termino.
Magkagayunman, sinagot ni Abas na mabigat na usapin ang election postponement at wala sa posisyon ng COMELEC ang hakbang kundi nasa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Handa naman ang COMELEC na pag-aralan ang rekomendasyon ng kongresista kung saan gagawing batayan dito ang development sa kalusugan at bakuna sa COVID-19.