Kamara, inoobliga na ang mga senior citizen na magpabakuna na para sa ligtas na pagboto sa 2022

Muling umapela ang House Committee on Senior Citizens sa mga nakatatanda, mga retirado at pensyonado na maging ganap nang bakunado kontra COVID-19 at magpaturok na rin ng booster shot.

Ito ay para sa ligtas na rin na pagboto ng mga senior citizen sa nalalapit na May 2022 election.

Inihayag kasi muli ng Department of Health (DOH) na marami pa rin sa mga senior citizen sa ating bansa ang “unvaccinated” o hindi pa bakunado gayundin ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang booster shots.


Giit ng Committee on Senior Citizens sa Kamara, mahalagang maipamulat sa mga matatanda ang benepisyo ng pagkakaroon ng kumpletong bakuna at booster shot.

Proteksyon din ito para sa kanilang pagtungo sa mga polling precincts para makaboto sa darating na halalan.

Paalala pa ng komite, bagama’t bumababa na ang mga bagong kaso ng COVID-19, importante na mabakunahan ang mga senior citizen lalo’t sila’y “vulnerable” o mahina o madaling kapitan ng sakit.

Ngayong mababa na rin ang alerto sa maraming lugar sa bansa, gaya sa National Capital Region o NCR maaaring samantalahin ng mga pamilya o kaanak ng mga nakatatanda na samahan ang mga lolo at lola sa mga vaccination site.

Facebook Comments