Kamara, ipinag-utos ang paglipat kay OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez sa Women’s Correctional sa Mandaluyong

Ipinag-utos ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang paglilipat kay OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez sa Women’s Correctional Center sa Mandaluyong City.

Matatandaang ipina-contempt ng komite si Lopez sa gitna ng imbestigasyon hinggil sa confidential funds.

Sa video conference kaninang madaling araw, emosyonal na kinondena ni Lopez ang planong biglaang paglipat sa kaniya sa Women’s Correctional mula sa dentention facility ng Kamara sa dis-oras ng gabi.


Tinawag ito ni Lopez na pang-aabuso sa kapangyarihan.

Hindi raw siya aalis sa House custodial facility hanggang sa hearing sa Lunes.

“They’re bringing me to the Women’s Correctional. And they’re doing it in the middle of the night,” saad ni Lopez.

“This is already an abuse of power. I am here as a detainee of the House of Representatives. I am not going anywhere.”

Pumalag naman si Vice President Sara Duterte, na tumatayo ngayong abogado ni Lopez, sa utos ng komite at kinuwestiyon kung saan ginawa ang special committee meeting gayong wala namang pasok ang Kamara.

“Nakita ko doon sa order nila na parang by unanimous vote, parang ganyan. Sa akin naman paano kayo nag-meeting? Wala nga kayong trabaho ‘pag Friday, sobrang kayahayay ninyo na mga tao,” ani Duterte.

“So, hinahanap ko, where is this special doon sa order, where is this special committee meeting that happened because they need the permission of the majority leader and the speaker kasi nga walang trabaho e, so kailangan nila ng permission. Walang nakalagay doon so how is that a legal order.”

Bago ito, nagpasya si VP Sara na manatili muna sa opisina ng kaniyang kapatid na si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte habang nakaditine roon si Lopez.

Ito ay upang madali niyang mapuntahan si Lopez sakaling magkaroon ng emergency sa harap na rin ng aniya’y medical conditions nito.

Una nang ni-reject ng komite ang naunang hiling ni VP Sara na masamahan si Lopez sa detention facility dahil hindi naman daw siya sakop ng detention order.

Plano naman ng bise presidente na manatili sa opisina ni Cong. Pulong hanggang maka-Bagong Taon.

Pinag-aaralan pa ni VP Sara kung dadalo siya sa hearing sa November 25.

Facebook Comments