Hiniling ni Caloocan Representative Edgar Erice sa House Committee on Metro Manila Development at House Committee on Transportation na magpatawag ng pulong para ayusin ang polisiya sa ilalim ng operasyon ng public transportation.
Hinimok ni Erice na ipatawag din sa pulong ang transportation sector upang maplantsa ang gusot sa kawalang kahandaan sa pagbabalik ng Public Utility Vehicles (PUVs).
Pinuna ng kongresista ang sinapit ng mga manggagawa na nagbalik trabaho noong June 1, 2020 na walang masakyan at stranded sa lansangan.
Dahil dito, ipinanawagan ng mambabatas na pahintulutan na ang pagbabalik ng public transport at tulungan ang mga tsuper ng PUVs.
Batay sa statistics, 88% ng mga mangggagawa sa Metro Manila ay sumasakay sa pampublikong transportasyon at bago pa ang pandemya ay umabot sa kalahating milyong commuters ang naseserbisyuhan ng nasa 30,000 na mga bus na bumibiyahe.