Isasailalim na sa apat na araw na lockdown ang Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang pag iingat na rin bunsod ng patuloy na pagtaas sa bilang ng kaso ng COVID-19.
Ang lockdown sa Kamara ay simula ngayong Huwebes, March 18 hanggang sa Linggo, March 21.
Kinumpirma naman ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na 33 na ang aktibong kaso sa Kamara hindi pa kasama dito si Majority Leader Martin Romualdez na positibo rin sa sakit.
Hinihimok ang mga House member at employees na manatili sa kani-kanilang mga bahay upang maprotektahan ang sarili at makabawas sa posibleng transmission ng virus.
Magpapatuloy naman ang mga pagdinig ng komite sa pamamagitan ng online platform.
Maging ang media center ay pansamantala munang isasara hanggang sa bumuti muli ang sitwasyon.