Isinumite na ng Kamara sa Senado ang inaprubahang 2024 General Appropriations Bill (GAB) o ang P5.267 trillion na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sa pag-convene ng mababang kapulungan ng Kongreso sa idinaos na special session para i-welcome at pakinggan ang magiging mensahe ni Japan Prime Minister Kishida Fumio ngayong araw, nagmosyon si House Majority Leader Manuel Jose Dalipe na i-transmit na ang kopya ng inaprubahang bersyon ng national budget ng Kamara, ang House Bill 8980.
Kasabay pa ng ibang mosyon para sa gaganaping special joint session ng Kamara at Senado, ay inaprubahan ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ang pagsusumite ng kopya ng ipinasang budget sa Kamara.
Nilalaman naman ng approved budget version ng Kamara ang realignment ng P194 billion ng mga line items kasama na rito ang P1.23 billion na confidential funds.
Aabot sa limang ahensya ang tinanggalan ng Kamara ng confidential fund para sa 2024, ang Office of the Vice President (P500 million), Department of Information and Communications Technology (P300 million), Department of Education (P150 million), Department of Agriculture (P50 million), at Department of Foreign Affairs (P50 million).