Isinusulong ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pagbuo ng joint committee ng Kamara at Senado para i-evaluate at tulungang makahanap ng solusyon para sa humihinang health care system ng bansa.
Sa ilalim ng inihaing resolusyon ni Quimbo, binigyang diin ang pangangailangan na matugunan agad ang nakapanlulumong estado ng health care system na kung ilalarawan ay mababa ang health outcomes, kulang sa access sa de kalidad na pangangalaga at kawalan ng sapat na pondo o resources.
Ang naturang pagbuo sa joint committee na itinutulak ni Quimbo ang siyang magiging responsable sa masinsinang review, assessment at evaluation ng mga performance ng mga opisina na may kaugnayan sa pagbibigay ng access at financing sa health care at magsisilbing unang hakbang tungo sa pag-overhaul sa sistema.
Ang joint committee ay bubuuhin ng limang senador at limang kongresista kung saan co-chair dito ang Senate Committee on Health and Demography at House Committee on Health.
Nagpahayag ng lubos na pagkadismaya si Quimbo dahil sa kabila ng implementasyon ng mga reporma sa health care sa nakalipas na tatlong dekada ay patuloy na nakakaranas ng hindi pagiging patas at kawalang epektibo sa sistemang pangkalusugan ang bansa.
Tinukoy ng kongresista na ang patuloy na poor health system ay nagresulta sa kakulangan ng medical personnel, kawalan ng espasyo sa mga ospital, kakulangan ng preventive care, palpak na pagtugon sa HIV cases, pagtaas ng adolescent pregnancy at infant mortality rate.