Kamara, itutulak ang kanilang bersyon ng bagong Sin Tax Bill sa BICAM

Itutulak ng Kamara sa Bicameral Conference Committee (BICAM)ang kanilang bagong bersyon ng Sin Tax Bill kung saan inaasahang kikita ang gobyerno ng P26 Billion sa unang implementasyon pa lamang nito.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, wala sanang pagkakaiba sa bersyon ng Kamara at Senado pero sa bersyon ng mga senador ay inaalis nila ang probisyon ng value-added tax sa mga prescription drugs na ang higit na makikinabang naman ay mga mayayaman.

Ibig sabihin ay mababawasan pa ng P10 Billion ang posible sanang kitain ng gobyerno o magiging P16 Billion na lamang sa bagong sin tax bill dahil sa bersyon ng Senado.


Sinabi ni Salceda, ilalaban nila sa bicam ang kanilang panukalang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga alak at E-cigarettes.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng panig ni Salceda kung papaano aalisin ang probisyon para sa prescription exemption sa mga gamot upang maibalik ang malaking kikitain ng gobyerno.

Sakaling maging batas ang bagong bersyon ng sin tax bill, ang perang malilikom dito ay gagamitin sa Universal Healthcare Law, kung saan ayon sa Department of Finance ay mangangailangan ng P257 billion sa unang taon ng implementasyon nito sa 2020.

Facebook Comments