Kamara, kikilos na para isaayos ang mataas na singil ng BIR sa income tax ng mga pribadong paaralan

Manghihimasok na ang Kamara kaugnay sa mataas na income tax na sinisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga pribadong paaralan.

Batay kasi sa inilabas na regulasyon ng BIR, mula sa 10% ay itinaas sa 25% ang tax rate ng mga private educational institution na salungat sa Tax Code na inaamyendahan sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law.

Naghain si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ng House Resolution 9596 na nag-aamyenda sa Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997.


Batay sa formulation ng NIRC na siyang naging batayan ng Supreme Court sa CIR vs De La Salle University, ang isang proprietary educational institution ay magiging entitled lamang sa 10% corporate income tax kung ang pribadong paaralan ay non-profit at kung hindi lalagpas sa 50% ang gross income mula sa unrelated business at activity ng pribadong paaralan.

Nakasaad sa resolusyon na hindi maaaring buwisan ng BIR ang mga proprietary educational institutions na kontra sa pagtingin ng korte.

Dahil dito, magsasagawa ng pagdinig ang House Ways and Means Committee ngayong session break para makalikha ng batas laban sa anumang mataas na singil sa buwis na ipapataw sa mga pribadong paaralan.

Balak itong pagtibayin bago ang pagbabalik-sesyon at maisumite agad sa Senado.

Facebook Comments