Pinuna ni Senator Panfilo Lacson ang “disparity” o ang hindi patas na hatian ng alokasyon sa mga infrastructure budget ng mga kongresista sa bawat congressional districts sa ilalim ng 2021 national budget.
Sa paghimay ng Senado sa proposed P4.5 trillion national budget, sinabi ni Lacson na kitang-kita ang malaking diperensya sa laki ng budget sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.
Inihalimbawa pa ni Lacson ang isang Distrito sa Davao na may budget sa infrastructure na aabot sa P15.351 billion, sa Albay na P7.5 billion, sa Benguet ay P7.9 billion habang sa Abra ay P3.75 billion.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito pero isa sa may hawak dito ay si Presidential Son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte; sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda; Abra ay si Lone District Rep. Joseph Bernos; habang caretaker naman sa Benguet si ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap.
Giit pa ni Lacson, habang naglalakihan ang ilang mga distrito ay may kongresista na nakatanggap ng P42 million.
Sa laki ng budget na natangap ng mga kongresista na sinabi ni Lacson na nasa “horror roll”, aminado ito na duda sya kung kung maipapatupad nga ang mga bilyong halaga ng infrastracture projects.
Maging si Senate President Tito Sotto ay naalarma rin sa puna ni Lacson sa paghahati-hati ng alokasyon sa 2021 budget.
Matatandaan na sa House Speakership row ay inakusahan si dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Marinduque Rep. at ngayon ay House Speaker Lord Allan Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ng hindi pantay-pantay na infrastructure allocation sa budget.
Matatandaang sa ilalim ng pamumuno ni Velasco naipasa sa Kamara ang 2021 budget.