Kamara, kumikilos na para mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette

Bumubuo na ang House Committee on Transportation ng resolusyon para mapabilis ang pagpapaabot ng tulong sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette.

Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, Chairman ng komite, lalamanin ng resolusyon sa isinagawang briefing noong nakaraang Linggo ang ilang rekomendasyon tulad ng pag-waive sa terminal fees ng pantalan at airports sa mga relief cargo na naghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Ang Maritime Industry Authority (MARINA), Cebu Ports Authority at Philippine Ports Authority, hinimok na magsagawa ng “mercy trips” nang sa gayon ay maibiyahe ang mga injured o stranded passengers mula sa mga Odette-hit area.


Iminungkahi rin na huwag nang singilin ng seaport fee ang lahat ng rescue at relief efforts.

Ang nasabing rekomendasyon ay hiningi rin ng komite sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Pinabibigyan naman ng special permit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mg PUVs at truck na maaaring i-divert para magpadala ng relief at essential goods.

Kasama rin sa apela ng komite ang pagpapalawig sa vehicle registration at driver’s license na nakatakdang mapaso sa loob ng 90 araw sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

Facebook Comments