Tiwala ang liderato ng Kamara sa magandang working relationship sa pagitan ng Kamara at Senado sa nalalabing mga sesyon ng 18th Congress.
Kasunod ito ng informal caucus ng mga lider ng dalawang kapulungan sa pangunguna nila Senate President Tito Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City kahapon.
Ayon kay Velasco, umaasa sila sa good working relationship sa pagitan ng mga mambabatas ng dalawang kapulungan na magreresulta sa makabuluhan at produktibong pagsusulong ng mga legislative agenda ng gobyerno.
Sa naturang pulong ay nagkasundo ang mga senador at kongresista kung ano ang mga prayoridad nilang lehislasyon sa susunod na limang buwan base sa agenda na itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nakaraang SONA.
Kabilang sa mga priority measures na napagkasunduang pagtitibayin ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act, Rural Agricultural and Fisheries Development Financing System Act, paglikha ng Department of Overseas Filipinos at pag-apruba ng dalawang kapulungan sa pambansang budget bago matapos ang taon.
Bukod kina Velasco at Sotto, dumalo rin sa pulong sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, at House Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano.
Lumahok naman video conferencing sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Franklin Drilon.