Kamara, kumpyansang malayong maimpluwensyahan ng pulitika ang IRR ng MIF

Nakatitiyak si House Speaker Martin Romualdez na malayong maimpluwensyahan ng maruming pulitika ang pinal na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon kay Romualdez, ang pinal na IRR na mangangasiwa sa Maharlika Investment Corporation (MIC) ay tinitiyak ang pagprotekta at paggarantiya na ang pondo ay mapoprotektahan mula sa panganib na maaaring idulot ng dirty politics.

Ang hakbang aniyang ito ay mahalaga tungo sa pagpapahusay ng corporate governance at pagtiyak na ang MIF ay mapangangasiwaan ng may transparency at accountability.


Aniya pa, ang autonomy na mayroon ang MIC board ay nagpapahintulot sa mas malinaw na layunin, epektibong pagdedesisyon at political influence na isa sa mga mahahalagang aspeto para i-manage ang napakalaking pondo.

Dagdag pa rito ni Romualdez, nagkaroon din ng kalinawan sa discretionary powers ng board habang sinisiguro na ito’y salig sa batas at nakahanay sa socioeconomic development program ng pamahalaan.

Kumpyansa pa ang Speaker na kapag napangasiwaan ng mahusay at epektibo ang MIF ito ay magdudulot ng malaking benepisyo sa bansa tulad ng mas malakas at mas matatag na ekonomiya, mas maraming trabaho, pinagandang public service at mas mataas na antas ng pamumuhay.

Facebook Comments