Kamara, mag-aalay ng misa at necrological service para kay Speaker Prospero Nograles

Manila, Philippines – Mag-aalay ng misa ang Mababang Kapulungan para sa yumaong si dating House Speaker Prospero Nograles.

Personal nang nakiramay at dumalaw kahapon si Speaker Gloria Arroyo sa burol ng dating lider ng Kamara sa Heritage Park sa Taguig City kasama sina House Secretary-General Dante Roberto Maling at Deputy Secretaries-General Edgardo Pangilinan at Jose Ma. Antonio Tuaño.

Ayon kay Arroyo, magsasagawa ng misa at necrological service ang Kamara sa Martes mula alas 9 ng umaga hanggang alas dose ng tanghali para bigyang pagkilala si Nograles bago dalhin ang mga labi nito sa kanilang lugar sa Davao City.


Sinabi ni GMA na isang malaking karangalan para sa kanya na nagsilbi bilang lider ng Kamara si Nograles mula 2008 hanggang 2010 noong siya pa ang Pangulo ng bansa.

Dagdag pa nito, malaki ang naitulong din sa kanya noon ni Nograles noong siya ay Undersecretary ng Trade and Industry.

Isa umano sa maalala at mami-miss ng mga taga Kamara sa matandang Nograles ay ang pagiging maalalahanin nito sa kapakanan hindi lamang sa mga kongresista kundi pati na rin sa mga simpleng tauhan sa Mababang Kapulungan.

Facebook Comments