Tiniyak ng Liderato ng Kamara na magdodoble kayod ito para maipasa sa takdang petsa ang proposed ₱5.268 trillion na pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, sa pamamagitan ng Committee on Appropriations at Committee on Rules ay naglatag na sila ng sistema para matiyak ang maayos at mabilis na proseso sa pagbusisi at pagpasa sa 2023 budget.
Ayon kay Dalipe, na siyang chairman ng Committee on Rules, bumuo sila ng tatlong team na kinabibilangan ng deputy majority leaders at assistant majority leaders para sa maayos na takbo ng pagtalakay sa sa budget pagdating sa plenaryo.
Dagdag pa ni Dalipe, mahigpit din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Representative Elizalde Co para masigurong natutugunan ang mga isyu ng mga mambabatas ukol sa budget.
Diin ni Dalipe, malinaw sa pahayag ni Speaker Martin Romualdez na ipapasa nila sa Mababang Kapulungan ang proposed 2023 national budget bago matapos ang Oktubre para makamit ang target nila na mai-akyat na ito kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bago matapos ang kasalukuyang taon.