Nababahala si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na maging tuta lamang ng palasyo ang liderato ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Atienza, bago pa pumasok ang 18th Congress ay nadiktahan na ang Kamara partikular na sa pagkakaroon ng term-sharing sa Speakership na hindi katanggap-tanggap at wala sa house rules.
Naniniwala din si Atienza na maaaring na-pressure ang Presidente sa mga cabinet members na malalapit kay Cayetano na gustong siya ang maupong Speaker.
Dahil dito, nangangamba ang mambabatas na posibleng pati ang pambansang pondo ay manipulahin ng palasyo at bigyan ng pabor ang ilang mga government officials.
Hindi rin aniya malabong mangyari na maulit ang anomalya sa 2020 budget kung saan nakapagsingit ng pondo at may mga napaburan na proyekto ngayong 2019.
Sinabi pa nito na lahat ng gagawin ng Kamara ay base lamang sa dikta ni Cayetano bilang ito ay committed lamang sa kagustuhan ng Malakanyang.